Bakit si Gibo ang iboboto ko (at hindi si Gordon, Villar, o Noynoy)

Ako ay isang negosyanteng taga-Metro Manila. Simula sa pagkabata, masasabing bukas na ang aking mga mata sa mga pangyayari sa ating bansa – kasama ako ng aking mga magulang noong EDSA I, nagprotesta rin ako labas sa mga US Bases dito sa Pilipinas, at ako’y nakilahok din sa EDSA Dos.

Ang kahalagahan ng eleksyon ngayong 2010 ay akin nang nararamdaman; hindi na ako makuntento sa pagsabi lamang sa mga kaibigan ko na sana’y manalo si Gibo. Hindi na sapat ang umupo na lamang sa isang tabi at sabihing, “Sana”. Ako’y sumulat nito upang ipaliwanag kung paano ako namili ng aking kandidato – sana nawa’y makatulong ito sa pagpili ng iba nating mga kababayan.

Bakit si Gibo?

Siya ang tanging kandidatong may klaro at detalyadong plataporma mula sa simula. Hindi siya nangangako ng mga imposibleng pangakong maganda lamang pakinggan; siya ay naghahayag ng mga kongkretong halimbawa ng problema at solusyon sa mga lugar na binibisita niya. Ang mga ito ay patunay na siya’y handang maging lider ng ating bansa.

Siya ay may natatanging track record hindi lang sa kanyang pag-aaral, kundi pati rin sa panahon ng kanyang pagsisilbi bilang konggresista at kalihim. Wala siyang sinasabing masama tungkol sa kanyang mga kapwa kandidato. Dahil dito, siya ang naging paborito nila, pati na rin ng kanilang mga asawa at anak.

(Candidato ni Erap si Gibo kung hindi tumakbo si Erap) http://www.philstar.com/Article.aspx?articleId=568107&publicationSubCategoryId=63

(Jinggoy sa mga botante: kung hindi niyo iboboto ang tatay ko, iboto si Gibo) http://www.philippinenews.com/article.php?id=7338

(Rep. Cynthia Villar (asawa ni Manny Villar) : si Gibo and pipiliin kung ang kanyang asawa ay di tumakbo)http://www.abs-cbnnews.com/nation/03/11/10/rep-villar-gibo-if-husband-not-race

Siya lamang ang may kakahayang makipagkapit-kamay sa ibang mga partido pagkatapos ng eleksiyon – kapag panahon nang magtrabaho para sa bayan.

Siya ay matalino at mapagkumbaba. Siya ay nagsisilbing inspirasyon ng kabataan. Siya ay isang statesman sa paligid ng dinami-daming mga politiko.

Ngunit siya’y kadikit ni GMA

Hay naku. Halos lahat naman sa mga kandidato natin ngayon ay na-link din kay GMA noon. Base sa bilang ng mga kandidatong umaalis ng Lakas, at base sa kasalukuyang relasyon niya sa kanyang tiyo na si Danding, si Gibo ay hindi nagsusunud-sunuran sa kahit kanino. Malinaw na siya ay may sariling pag-iisip. Dahil sa kanyang determinasyon at sariling paraan ng pangangampanya, maraming mga “trapo” ang nababahala.

Wala siyang laban kina NA at MV

Kahit may mga kandidatong umaalis ng Lakas Kampi CMD, ito pa rin ang nananaig na partido hindi lamang sa labanang pambansa, kundi pati rin sa lokal. Walang papantay sa kanilang kakahayan sa pagkampanya mula sa antas ng mga barangay – ang mga patunay dito ay unti-unti nang nailalantad. Kakaunti lamang sa ibang mga partido ang may kumpletong mga kandidato sa labanang lokal.

At higit sa lahat, siya ang may pinaka maraming taga-suporta na tumutulong ng walang bayad (volunteers). Nakakapintig-damdamin at nakakahawa ang dedikasyon ng mga taga-suporta ni Gibo, na walang sawang nag-aalay ng kanilang panahon at talento sa abot ng kanilang makakaya. Maaaring ito ang susi sa tagumpay. Lingid sa ating kaalaman, ang nakararaming mga Pilipino ay sawang-sawa na sa mga pangakong napapako at sa mga paninirang-puri ng ibang kandidato. Nais nila ng pangulo na kanilang maipagmamalaki sa buong mundo.

Sayang ang boto ko – kailangan kong iboto si MV para hindi manalo si NA (o vice versa)

Sa media lamang nagmula ang konseptong dalawa lang ang mga kandidatong naglalaban. Hindi ito totoo. Sayang lamang ang iyong boto kung ang basehan mo sa pagpili ay dahil sa takot, emosyon, at pag-alala sa nakaraan – ibes na sa kung sino talaga, sa iyong palagay, ang nararapat at kwalipikado na maging pangulo ng ating bansa.

Ang konseptong “llamado” (winnability) ay galing sa mga “trapo”. Nais nilang akitin ang kagustuhan ng mga Pilipinong sila’y kakampi parati sa mananalo – sa madaling salita, na sila ay “in”. Dito nagmula ang mga survey na hindi rin natin siguradong maaasahan ang mga resulta. Karamihan sa atin ay gustong tumaya o sumugal para sa inaakalang llamado. Ngunit ano kaya ang magandang idudulot nito kung ang kapalit ay isang “olats” na pangulo?

Sa aking palagay, manalo man o matalo, si Gibo ang pinakahanda at nararapat na maging susunod na pangulo ng Pilipinas. Maipagmamalaki kong siya ang aking iboboto.

Gayunpaman, ang ibang mga kandidatong maaaring pag-isipan ay ang mga sumusunod:

ERAPJoke lang.

GORDON – Maganda ang kanyang track record sa Subic at sa Red Cross. Marami rin siyang magandang nagawa bilang senador. Ngunit mayroon akong mga karanasan na nagpakita ng kanyang mga katangiang hindi maganda. Gustong-gusto niyang marinig ang sariling boses, mapagmaliit ng ibang tao, mahirap kausapin, at hindi marunong makinig sa iba.

Maaring siya ay nasanay noong panahon sa Subic nung pinaligiran siya ng mga boluntaryong tumutulong (volunteer) na kanyang diniktahan, nguning mahalaga sa isang pinuno ang kakayahang makinig din sa kanyang mga sinsakupan. Ang isang magaling na lider ay dapat marunong ding makitungo sa iba’t ibang klase ng tao na hindi nakakasakit ng damdamin. Dapat siya ay marunong gumalang sa mga saloobin at opinyon ng iba. Dapat niyang matanggap na hindi lamang siya ang dalubhasa sa lahat ng bagay. Si Gordon ay may “love him or hate him” na pagkatao. Hindi siya mapagkumbaba, at madaling uminit ang ulo niya. Sa madaling salita, tingin ko’y maraming maiinis lamang sa kanya. Sori, pero ang iboboto ko ay ang isang taong gusto ko rin ang ugali.

Oo nga pala. Gusto rin niyang ipawalang-sala ang mga Abu Sayyaf.

http://newsinfo.inquirer.net/breakingnews/nation/view/20100216-253573/Gordon-Amnesty-for-Abu-Sayyaf-armed-groups

Hmm… Ayoko.

Kung susuriin din natin, hindi talaga maaaring manalo si Gordon. Sa isang bansang binubuo ng higit sa 7,000 isla, makinarya ang magpapanalo ng eleksiyon – hindi ang patalastas, hindi ang mga debate sa telebisyon. Sa madaling sabi, hindi sapat ang makinarya ni Gordon upang manalo sa pagka-pangulo.

VILLAR – Humahanga ako na siya’y umangat mula sa kahirapan patungo sa pagiging isang matagumpay na negosyante at opisyal ng pamahalaang lokal at pambansa. Walang problema sa akin na siya’y may ambisyon – malinaw na siya ay may kakahayang isakatuparan ang kanyang mga pangarap – natural lamang na ang pagka-pangulo ang susunod niyang inaasam-asam.

Kung wala lang ang isyu ng C5 at ang super-“trapong” pangangampanya, siya ang susunod na pwede kong iboto. Huwag na nating isama sa usapan si Willie Revillame.

Ok, ok, may gusto akong sabihin tungkol kay Willie: sa palagay ko, siya at ang palabas niya sa TV ang nagpapakita kung ano ang mali sa ating bansa. Kung anu-ano ang pinapagawa nila sa mga kababayan nating naghihirap, dahil alam nilang gagawin ng mga tao ang lahat upang magkamit ng pera. Hinihikayat nila ang mga tao na imbes na magtrabaho: 1) pumila na lamang sila buong umaga; 2) magdasal para makapasok sa studio; 3) magdasal muli na sana’y mapiling sumali sa isang laro at pagtawanan ng mga tao; at 4) magdasal na sana’y manalo ng pera – one time big time. Ito ay kabaliktaran ng sinasabi ni Villar na “Sipag at Tiyaga”, ngunit pinili ni Villar si Willie upang mangampanya para sa kanya. Basta’t ikaw ay kilala, kahit 78 katao ang namatay dahil sa show mo (Ultra stampede http://www.youtube.com/watch?v=u501Emp6aXw )kasali ka sa team ko. Tama ba yon?

NOYNOY – Ano ang nagawa ni Noynoy para masabing nararapat siyang maging pangulo? (tunog ng kuliglig)

Mas humahanga pa ako sa taong lubos na nangangarap na maging pangulo at ginagawa ang lahat upang makamit ang posisyong ito – kaysa sa isang taong walang balak tumakbo, pero naisipang lamang tumakbo dahil siya ay naging popular bigla. Tanggapin na natin ang katotohan: kung ang mga magulang ni Noynoy ay hindi si Cory at Ninoy, hindi natin siya pinag-uusapan ngayon.

Maraming nangangatwiran na si Cory din daw ay walang karanasan sa gobyerno at walang balak tumakbo sa pagiging pangulo. Tama. Ngunit nung panahong iyon, dalawang tao lamang ang pinagpipilian. Noon iyon, iba na ngayon. Mas marami na tayong pagpipilian ngayon.

Tuwing pinapanood ko si Noynoy, tinatanong ko kung bakit palagi siyang may handang babasahin. Hindi ba niya kayang mag-isip ng sariling mga sagot? Hindi ba siya mabilis mag-isip ng sagot? Matapos nito, nakapanood ako ng ilang mga interview kung saan siya’y sumagot ng waking kodigo. Ito ay ilan sa mga halimbawa ng akin nakita:

Nang tanuning siya tungkol sa mga survey kung saan si Villar ang nanguguna: “May survey na matino at may survey na nabibili sa Quiapo paminsan-minsan na may kasama pang champoy.” http://www.philstar.com/Article.aspx?articleId=539987&publicationSubCategoryId=92

Malamang sa isip-isip niya, “Ay, ang galing kong magsalita!” Ngunit dahil sa sinabi niyang maaaring bayaran ang mga survey, hindi rin masisigurong tama ang mga naunang survey kung saan siya naman ang nanguna. Ibig bang sabihin na pag siya ang nangunguna sa survey, ito’s asintado at mapagkakatiwalaan, ngunit ang mga survey na hindi siya ang nangugunaay binayaran at mali ang pagkakagawa? Ganoon?!

Tungkol sa isyung wala siyang naipasang ni isang batas sa Senado: Marami raw kasing nagfa-file at ­refile, at kung i-check daw ang kanyang performance, palagi naman daw siyang present, “nagbabantay” at nag-iimbestiga. http://www.gmanews.tv/eleksyon2010/story/news/189213/kandidato-noynoy-aquino-takes-on-televisions-toughest-job-interview

Ang pinaka-tungkulin ng isang mambabatas ay ano pa kundi gumawa ng batas. Law maker po kayo, hindi security guard. Ang mga imbestigasyon ay isinasagawa upang tumulong lamang sa paggawa ng batas. Ang pagiging present palagi ay hindi katumbas ng magaling na performance. Para mong sinabing ang isang tao ay magaling na estudyante dahil palagi siyang present, kahit natutulog lang siya sa klase. Hindi dapat maging hadlang sa paggawa ng batas ang dami ng mga batas na fina-file. Kung nararapat at magaganda ang iyong mga panukala, at kung ikaw ay may determinasyon at tiyaga, walang dahilan para hindi mapasa ang iyong mga batas. E si Lito Lapid nga e…

Gustong-gusto ni Noynoy na pag-usapan ang karapatang pangtao (human rights) at hustisya. Para diyan, dalawang salita ang aking bibigkasin: Hacienda Luisita

Ang storya ng Luisita http://www.bworldonline.com/main/content.php?id=9529

Talaga? Ngayong tumatakbo ka para maging pangulo, gusto mo nang ipamahagi ang lupa niyo? Matapos ang ilang taong na nakikita at hinayaan mong maghirap ang mga magsasaka, biglang ipamimigay mo na ngayon ang lupa sa kanila? Dapat siguro nakipag-usap ka muna sa pinsan mong si Fernando, dahil iba ang sinabi niya sa New York Times. http://www.nytimes.com/2010/03/15/world/asia/15phils.html

Hindi malinaw ang kanyang plataporma. Puro mga kasabihan ang sinasabi niya. Ok, so ayaw niya kay GMA, at hindi siya magnanakaw. Tapos, ano?

Ngunit habang lumilipas ang panahon, feeling sure win” siya at kung umasta ay parang dapat sa kanya na talaga mapunta ang posisyon ng pagiging pangulo. May lakas-loob pa siyang magsabi na kung ma-bokya ang eleksyon, magma-marcha muli ang mga tao sa kalsada. Kung ikaw talaga ang napili ng nakararami, at kung ikaw ang nararapat na maging pangulo, bakit kailangan mo pang i­-brainwash ang mga tao? Kung ikaw talaga ang modelo ng demokrasya, bakit kailangan mo pang idiin sa isip ng mga mamamayan ang kaguluhan? Hindi natin kailangan ng administrasyon na paghihiganti lamang ang tanging plataporma.

Nakakainis din ang pinagdidiinan ng partido niya na ang kampanyang ito ay “masama laban sa mabuti”. Si Noynoy ang mabuti, lahat ng iba ay masama. Kung may mga isyung lumalabas laban sa kanya, ang mga ito ay black propaganda lamang na gawa-gawa ng mga bayaran; ngunit kung siya ay may mga sinasabing isyu laban sa iba, ang mga ito ay tama at totoo. Kapag kanyang binabanggit ang kanyang mga yumaong magulang ay ok lang, pero pag ang mga ito’y binanggit ng kabila, sila ay walang respeto at bastos. Utang na loob… kung susuriin lamang natin ang mga nasa likod ng kanyang kampanya mukhang nalilito sila kung ano ang mabuti at  ang masama.

Sa totoo lang, medyo naaawa ako kay Noynoy. Alam kong alam niyang hindi siya nararapat maging pangulo. Sinasabi nilang si Gibo ay sunud-sunuran ni GMA, ngunit sa katotohanan, si Noynoy talaga ang puppet ng mga taong sabik makabalik sa kapangyarihan.

Thank you to a kind Greenie (you know who you are) who took the time to translate this

Tags: , , , ,


%d bloggers like this: